BLOGGER TEMPLATES? click here »

Friday, October 10, 2008

'Wag Masyadong Seryoso... Tawa ka naMAn.. =)


Philippine presidents

The Philippine presidents flying in a plane.
GMA: What if I throw a check for a million pesos out the window to make atleast 1 Filipino happy?
CORY: But my dear, why don't you throw 2 checks for half a million each and thus make two Filipinos happy?
RAMOS: Why not throw four checks for a quarter of a million each and make four Filipinos happy? And on it went until finally,
Erap blurts out: "but madam president, why not simply throw yourself out of the window and make all the Filipinos happy?"...

Tuesday, October 7, 2008

ilan sa mga makasaysayang lugar ng Leyte

Paglalakbay patungo sa makasaysayang lugar..


Mula sa 7,107, ang Leyte ay isa sa mga isla ng Pilipinas na may mahalagang papel sa kasaysayan ng bansa. Sa isla pa lamang na ito ay makakita ka na ng humigit’ kumulang 20 mga makasaysayang pook. Nandito ang Leyte Provincial Capitol kung saan nagsimula ang Commonwealth Government, ang gusali ng CAP na dating kilala bilang The Price Mansion kung saan tumira si Gen. Douglas Macarthur noong Liberation Period noong 1944. Nandito rin ang Boy Scout Monument, ang pinakaunang munumento ng isang Boy Scout sa buong mundo na kasingtaas ng isang tunay na tao noong itinayo (1941), at ang Japanese War Memorial Cemetery, at marami pang iba.









Dito rin sa Leyte matatagpuan ang kilalang-kilalang monumento na nagpapagunita sa bawat Pilipino nang pagbalik ni Gen. Douglas Macarthur sa Pilipinas. Ito ay ang munomentong masisilayan sa bayan ng Palo.









Simula noong sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig ay naging makasaysayan na ang naturang bayan. Dito matatagpuan ang Hill 522, ang lugar kung saan nagharap ang puwersa ng iilang nagkaisang mga bansa laban sa mga Hapon. Dito rin nakatayo ang cathedral na ginawang pansamantalang ospital ng mga sugatang mga sundalong Pilipino at mga Amerikano sa kasagsagan ng digmaan. At iyon pa ngang munumento ni Gen Macarthur ay dito rin itinayo, ang Gen. Douglas Macarthur Landing Memorial.










Makikita sa makasaysayang Red Beach, pinangyarihan ng isa sa pinakatanyag na digmaang pandagat sa kasaysayan, ang bantayog ni Gen. Douglas Macarthur ay bahagi ng limang ektaryang Macarthur Park Beach Resort.









Sa resort ay makikita ang bantayog ni Gen. Macarthur, at anim pang iba, na mas mataas pa ng 1.5 talampakan kaysa sa totoong tangkad ng heneral. Malapit naman sa kinatatayuan ng mga rebulto ay makikita rin ang bakas ng mga sapatos ng heneral noong una siyang umapak sa dalampasigan ng Red Beach ng Palo.










Noong 1944, pinangunahan ni Gen. Douglas Macarthur ang pagsalakay sa mga Hapones na noo’y hawak ang Pilipinas. Ang pagsalakay na iyon ay nagsimula sa mismong kinatatayuan ng Gen. Douglas Macarthur Landing Memorial ngayon. Dito rin tinupad ni Gen. Macarthur ang kanyang pangako sa mga Pilipino na siya’y magbabalik.





Sa pagbabalik na iyon ng heneral ay nagkaroon ng pag-asa ang mga Pilipino na makamtan ang kalayaan mula sa mga Hapones, at ito nga’y nagkaroon ng katuparan. At ang bantayog na nakatayo sa Palo, Leyte sa kasalukuyan ay isang matibay na katibayan na ang lahat ng ito’y nagsimula sa isla ng Leyte.









Sa dinami-dami ng makasaysayang lugar dito sa leyte ang MacArthur ang siyang tanging pinakamagandang lugar.Isa ito sa mga napili namin, dahil ito'y may kakaibang kwento na kung saan dito lang natin ito makikita at maririnig sa leyte.
















galing naman, bata pa "nationalistic" na!!!


Ilan pa sa mga makasaysayang Lugar ng Leyte...]









Kasama sa makasaysayang lugar sa Leyte ay ang Joseph Price Mansion, kilala na sa kasalukuyan bilang gusali ng CAP, na ginawang headquarters ni Heneral Macarthur noong 1944 .

Ito naman ay ang Leyte Provincial Hall.
Dito umusbong ang gobyernong commonwealth noong kasagsagan ng ikalawang digmaang pandaigdig.

Sunday, September 14, 2008

Saturday, September 13, 2008



1. Kung kayo ay isang grupo ng mga rebolusyonaryo ano ang inyong isusulong para sa pagbabago...


Ang Pilipinas ay isang mayamamang bansa na mayroong malaking potensyal para umunlad. Ang angking kagandahan nito ay walang kapantay at talaga namang kakaiba. Subalit bakit kaya ganito tayo ngayon? Walang pag-unlad at asenso, ang mga mayayaman lamang ang may malinaw na karapatan at kinabukasan, habang ang mga maralita naman ay halos magpakahirap sa katatrabaho para sa mga barya-baryang sweldo na kung minsan ay talaga namang kulang pa para sa kanilang mga pangangailangan at di pa angkop sa trabahong kanyang ginagawa.
Ang problema sa kahirapan dito sa Pilipinas ay may malaking ugat na pinagmumulan, at ito ay ang korapsyon , korapsyon ng mga taong makapangyarihan lalong lalo na sa pamahalaan.
Kung noong unang panahon ang hangad ng ating mga ninuno ay mapamunuan tayo, para sa pag-unlad nating lahat, ngayon iba na, ito ay para nalamang sa mga pansariling interes nila. At kung tatanungin mo naman kung bakit nahahalal parin ang ganitong mga pinuno, iyon ay dahil sa gutom at kahirapan dito sa Pilipinas.

Sa ngayon mapapansin nating ang mga kumakandidato ay ang mga mayayaman lamang, dahil sila ang may pera, pera na ipinamimigay nila sa mga gutom na maralita, na gagawin ang lahat para lamang mabuhay kahit kapalit pa ito ng kanilang karapatang bumoto ng maayos na lider. Isipin mo nga naman iboboto mo lang sila at may pagkain kana at ang pamilya mo.
Kung kami ay isang grupo ng mga rebulosynaryo , isusulong namin ang laban para sa pagsugpo sa mga korap na opisyal lalong-lalo nasa gobyerno. Mga taong nagpapakasasa sa pawis ng mga pilipino, mga taong dahilan ng higit pang pagkabaon ni Juan de la Cruz sa mga utang at pagkagutom. Mga taong nagtutulak kay Juan para gumawa ng masama para lamang mabuhay sa araw-araw, at may maipakain sa kanyang gutom na pamilya.

Isusulong namin ito dahil naniniwala kami na hindi uunlad ang Pilipinas at hindi tayo matatawag na nasa demokratikong bansa kung gutom tayo, dahil ninanakaw nila ang talagang para sa atin, para lamang sa kanilang mga pansariling interes.

Alam nating lahat na sa pagdaan ng panahon ang Pilipinas ay unti-unti ng lumulubog. Ito'y parang isang Islang nilalamon ng malawak na karagatan. Ang mga pilipino'y patuloy na naghihirap hindi man sa kamay ng mga dauyuhan kundi sa ilalim ng mapanlinlang na mga pinunong inaasahan sanang mag-aahon sa Pilipinas.








juandelacuz: "RAMDAM NA RAMDAM ANG KAHIRAPAN"


2. Karapat-dapat ba ang pag kamatay ni Andres Bonifacio?






Ang himagsikan ay isang mapangahas na pagkilos, gayundin masasbi natin ang naging taga pasimuno nito ay nag tataglay ng isang mapangahas na personalidad at tila aserong determinasyon upang pamunuan ang isang kilusang maglalatid ng kadena ng pagkaalipin ng kanilang mga abang kababayan. Ang lider na ito ay walang iba kundi si Andres Bonifacio, ang tagapasimuno at kaluluwa ng himagsikang Filipino. Kung ang mga ilustrado ay nakipaglaban para sa interes ng gitnang uring kanilang kinabibilangan ang masang Filipino ay nakatagpo din ng lider na magsusulong ng kanilang totoong interes, sa katauhan ng Bonifacio, kung mas naging radikal man ang kanilang direksyon sa pagtahak sa pagbabagong panlipunan ay sa dahilang ang buhay ng isang anak-maralita ay naratibo ng pang araw-araw na personal na pakikipaglaban para mabuhay.

Ang maralitang lider ay ipinanganak sa Tondo noong nobyembre 30, 1863 sa mag-asawang Santiago Bonifacio isang sastre at Catalina Castro. Sa batang edad ay naulilang pareho sa magulang at natagpuan ang sariling tagakupkop ng mga kapatid. Sa pagtutulungan ng mga magkakapatid nakita nila ang kanilang sarili sa lansangan na Maynila o nasa mga patyo ng simbahan at naglalako ng pamaypay at baston sa mga nagdadaan. Ang leksiyon ng kanyang unang pakikibaka ay ang makita ni Bonifacio na siya ang nagsilbing magulang ng kaniyang mga kapatid. Isang karanasan na naghanda sa kaniya para tanggapin ang papel na maging isang ama na gagabay sa kaniyang ulilang bansa.

Sa kaniyang kabataan ang kaniyang tanging pormal na edukasyon ay ang pagpasok niya sa paaralan ni Don Guillermo Osmena na agad din namang naputol. Ang kaniyang pakikisalamuha sa mga Espanyol sa tanggapang kaniyang pinaglilingkuran ay nagpatalas sa kaniyang komprehensiyon ng wikang Espanyol at magkaroon ito ng sapat na kaalaman upang maunawaan ang wika ng dati nating mga panginoon. Ang lipunan sa panahon ni Bonifacio ay pinangingimbabawan ng sapot ng kamangmangan at pamahiin na pinanatili ng mga alagad ng kolonyal na Kristiyanismo sa paniniwala ng mga ito na ang kanilang pagsasamantala sa ating bayan ay malulubos lamang sa isang kapaligirang hindi sinisikatan ng liwanag ng kaalaman.

Si Bonifacio ay nagsimula bilang isang masugid ng kilusang propaganda at naging pamahagi ng mga literaturang pang-protetesta ng Unibersidad ng Sto. Tomas, at sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga literaturang pang-protesta ay nakilala niya si Ladislao Diwa na noon ay isang mag-aaral ng abogasya sa unibersidad at sa dakong huli ay nakasama niyang naging tagapagtatag ng Katipunan. Sa pagkakatatag ng Katipunan ay inandukha niya ang pagkakaroon ng isang limbagan at pahayagan ng kilusan. Sa pagkakalathala ng "Kalayaan" naiparating niya sa pamamagitan ng panulat ang kaniyang mga pananaw at adhikain para sa inang bayan. Sa pamamagitan ng propaganda ng kalayaan ay naiparating ni Bonifacio ang pag-aaring ganap sa pangangailangan ng isang armadong pakikibaka para sa katubusan ng bayan mula sa kadena ng mga dayuhan.

Natuklasan ang Katipunan sa panahon ng kawalan ng kahandaan. Ito ang predikamentong namamayani ng ginaganap ang mapagpasyang pagpupulong sa Pugad Lawin. Ngunit si Bonifacio ay tumayo, pinangibabaw ang ideyalismo laban sa pragmatismo at hinikayat ang mga kasamahan na magpasya ng taliwas sa tila matinong pangangatwiran ng mga segurista, pinunit nila ang mga sedula na isang hayagang dokumento ng pagkaduwag at sinindihan ang mitsa ng himagsikan. Ito ang himagsikang pinasimulan ni Bonifacio, kulang sa armas, pagkain, lohistika at mahusay na istratehiya na kinakailangan sa isang matagumpay na pakikipaglaban saisang hukbo ng kaawayn na nagmamay-ari ng kalamangan. Ang mga salik na ito rin ang naging dahilan upang magapi ang supremo sa pinaglabanan. Bumagsak ang pinaglabanan ngunit kadulat ng isang malaking dinamita, kinakailangang munang masunog ang mitsa.

Sa Kumbensiyon ng Tejeros nalansag ang Katipunan sa pamamagitan ng isang tiwaling halalan, naagaw ang liderato mula sa supremo at nalipat sa kamay ng mga ilustrado. Hindi ito natanggap ng supremo at binalak niyang bawiin ang nawala sa kaniya sa pamamagitan ng pagproprotesta sa resulta ng eleksiyon na kilala sa tawag na Acta de Tejeros at sa pag-oorganisa ng isang kahiwalay na pamahalaan sa ginanap na pagpupulong sa Naic. Sa unang pakikibaka ng supremo laban sa puwersang kolonyal ng kaniyang kapanahunan ay naging matagumpay siya, ngunit hindi sa kaniyamg huling kaniyang pakikibaka sa mga taong minsan ay kaniyang niyakap at tinawag na mga kapatid sa mga isinagawang inisasyon ng katipunan sa nakalipas.

Kung pagbabatayan ang kaniyang naging buhay masasabi nating makabuluhan nga ang kaniyang kamatayan dahil ito ay inialay niya para sa bayan, na gawa niyang pukawin ang mga natatagong tapang ng mga pilipino. Bibihira ng isang tulad niyang nagagawang ipaglaban ang kanyang bansa ng walang pag-aalinlangan at pawang katapangan lamang ang puhunan.Subalit kung ang pagbabasehan natin ang kaniyang mga nakamit sa pakikipaglaban, ay masasabi nating wala siyang masyadong naging kontribusyon dahil sa pagiging magkaaway nila ni Aguinaldo na siyang nagpapatay sa kaniya dahil sa pagiging magkaaway nila ni aguinaldo na siyang nagpapatay sa kanya ay parang kinalimutan na siya ng mga ito dahil nga sa kalaban niya ang namumuno sa kanila. Siya na nananiniwala sa kakayahan ng mga Pilipino ay kinitilan ng buhay sa utos at punlo ng kaniyang mga sariling kababayan.


3. Sa palagay niyo, Sang-ayon ba si Rizal sa Rebolusyon?Tama ba ang ginawa niya?




>Masasabing kumukontra si Rizal sa rebolusyon kasi nang pangunahan ni Dr. Jose Rizal ang pagtatatag ng kilusang propaganda wala siyang hangarin na humiwalay sa Espanya o ipaglaban ang kasarinlan ng Pilipinas ang tanging nais lang niya ay:

  • Magkaroon ng pagkakapantay-pantay ang mga Pilipino at mga Espanyol sa ilalaim ng batas


  • Maging regular na probinsya o parte ng Espanya ang Pilipinas


  • Magkaroon ng taga pagpahayag o boses ang mga Pilipino sa Spanish Cortes


  • Mapatalsik ang mga Prayle at mailagay ang mga Pilipinong pari sa mga parokya dito sa Pilipinas


  • Magkaroon ang mga Pilipino ng karapatang pantao

Itong kanilang mga nais at layunin ay ipinabatid nila sa pamamagitan ng kanilang mga dila at mga panulat. Gumawa sila ng mga nobela (Noli Me Tangere at El filibusterismo ni Rizal), Diyaryo (Revista del Circulo Hispano-Filipino at La Solidaridad), mga tula (sampaguitas) at marami pang iba na nagpapatunay lamang na ang tanging nais ni Rizal at ng iba pang mga Ilustrado ay ang mapayapang kilusan tungo sa pagbabago. Katunayan, nang nasa Dapitan na si Rizal bilang bilanggo nagpadala si Bonifacio ng isang tao upang hikayatin ang suporta nito sa rebolusyon. Tinanggihan ito ni Rizal dahil ayon sa kanya hindi handa sa madugong labanan ang mamamayang pilipino.
>para sa amin, tama lang ang ginawa ni Rizal kasi hindi man siya sumuporta sa Rebolusyong isinulong nina Bonifacio ang kanyang mga likha ang nagbigay lakas at nagpamulat sa mga pilipino sa kanilang mga karapatan na dapat nilang tamasain sa kanilang sariling bansa, ang PILIPINAS!



"KARAPAT-DAPAT BA TAYONG MGA PILIPINO SA NGAYON SA PAGSASAKRIPISYO AT PAGPAPAKASAKIT NG ATING MGA BAYANI NOON???"





Sunday, August 17, 2008

Reproductive Health Bill

Kaugnay sa reaksyon ng karamihan sa mga Katoliko, lalung-lalo na ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ukol sa Reproductive Health Bill (RH Bill) na isinumiti sa House of Representatives ni Alabay Rep. Edcel Castelar Lagman, sa tingin ng grupo namin ay nanghusga lamang ang nasabing ahensya laban sa isinumiting batas kahit hindi ito iniintindi ng mabuti. Sa tingin namin ay nagkaroon lamang ng hindi tamang pag-unawa ang Simbahang Katoliko sa batas na ito.

Ayon sa balita ng GMANews.TV na ipinahayag noong Hunyo 22, 2008, sinabi raw ng CBCP na hindi daw katanggap-tanggap ang RH Bill sa moral na aspeto. Sabi nila na ito raw ay nagsusulong sa tinatawag na artificial population cotrol methods kalakip na ang abortion. Ayon sa kanila'y imoral at hindi makatarungan ang ganitong pamamaraan, at tanging ang natural family planning lamang ang kanilang sinasang-ayunan.

Sa grupo namin, nung tinignan namin ang kabuuan ng RH Bill ni Rep. Lagman sa website ng Philippine Daily Inquirer na naitala noong Agosto 3, 208, naisip namin na ang akusasyon ng Simbahang Katoliko ay walwng malinaw na basihan.

Bakit? Kasi;
Una. Ang RH Bill ay hindi nagsusulong ng artificial population control. Sa katunayan, ang isinusulong ng bill na ito ay ang tamang impormasyon at aksis sa parehong natural at modern family planning methods. Ito ang binibigyang diin ng bill dahil gusto nitong bidyan ng kalayaan ang mag-asawa na pumili sa kung anong family planing method ang gusto nilang sundin ayon sa kanilang paersonal na mga paniniwala, mga kailangan, at higit sa lahat, ayon sa kanilang relihiyon.

Pangalawa. Hindi rin isinusulong ng RH Bill ang abortion. Kung titignan nga ang bill ay nakatala doon ang pagpapatigil o pagpipigil ng abortion. Ayon nga kay Rep. Lagman, "the bill expressly provides that abotion remains a crime".

Isa pa, sabi ni Fr. Melvin Castro, Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Family & Life, "kapag nasimulan na ang kultura ng contraception, ang abortion ay hindi na malayo dito".

Ngunit sa panig ng grupo namin, pati narin ng RH Bill, parang hindi naman ito totoo talaga. Kasi kung pag-iisipan nating mabuti, hindi ba't ang natural family planning ay isa ring uri ng contraception o birth control, at parang noon pa lamang ay nasimulan na natin ang sinasabing kultura ng Katolikong Simbahan. At masasabi rin naming ito'y parang hindi makatutuhanan dahil sa kasalukuya'y maraming katolikong mga bansa na nagsusulong ng family planning methods habang kasabay na pinipigil ang abortion, katulad ng Mexico, Panama, Guatemala, Brazil, Chile, Colombia, Dominican Republic, El Salvador, Honduras, Nicaragua, Venezuela, Paraguay, at Ireland. Mayroon ding mga Muslim at mga Buddhist ng mga bansa na ganito rin ang ginagawa, kagaya ng Indonesia at Laos.

Isa pang maling pagkakaintindi sa RH Bill ay ito raw ay laban sa buhay ng tao. Ang sabi naman ni Rep. Edcel Lagman, "The bill is not antilife. It is proquality life. It will ensure that children will be blessings for their parents since their births are planned and wanted. It will empower couples with the information and opportunity to plan and space their children. This will not only strengthen the family as a unit but also optimize care for children who will have more opportunities to be educated, healthy and productive".

Lilinawin lang namin na ang grupo namin ay hindi nagsasabing ang Katolikong Simbahan ay mali. Syempre may sarili din silang mga pagintindi sa RH Bill. Inuunawa lang naming mabuti at linilinaw kung ano ang magagandang punto mayroon ang RH Bill. Kinokonsidera lang namin ang na ang RH Bill ay maaaring makatulong sa problema ng ating bansang Pilipinas sa kahirapan, kasi mayroon talagang ugnayan sa pagitan ng malaking populasyon at kahirapan.

Sana lamang ay pag-aralan muna nating mabuti ang Reproductive Health Bill bago natin ito husgahan.







Republika ng Bangsamoro - mga Muslim sa Pananakop ng mga Espanyol

Ang malaking pagkakapareho sa pagitan ng bagong Republika ng Bangsamoro ngayon, at ng mga Muslim noong panahon ng mga Espanyol ay ang kanilang pakikibaka para sa kanilang kalayaan. Ang mga muslim noon ay nakipaglaban sa pananakop ng mga Espanyol, habang ngayon naman ay naghahanap parin ng paraan ang bagong Republika ng Bangsamoro upang makamtan nila ang kanilang ganap na kalayaan mula sa gobyerno ng Republika ng Pilipinas.

Bago natin pag-usapan kung papaano naipabatid o nailarawan ng bagong Republika ng Bangsamoro, sa mga pilipino ngayon, ang mga paghihirap ng mga Muslim laban sa pananakop ng mga Espanyol, balikan muna natin ang mga nangyari noon.

Sa panahon ng kolonyalismo, ang ginawa ng mga Espanyol ay hindi lamang pagpapatupad ng mga batas na nagdala sa politika ng mga pilipino sa pagbagsak, at pag-angkin ng mga likas na yaman ng Pilipinas. Sinubukan din nilang maangkin ang pagkilala ng mga Muslim sa kanilang kapangyarian sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga sundalo sa katimugamg bahagi ng Pilipinas na nagdulot ng marahas at madugong digmaan.

Pero sa kabila ng mga pagtatangkang ito ng gobyerno ng mga Espanyolna masakop ang mga Muslim, ang sabi ng kasaysayan ay kailanman, ni isa man dito ay hindi nagtagumpay.

Bakit kaya?
Ang sagot ay napakasimple. kasi ayaw noonb ng mga Muslim na mapasailalim sa pamumuno ng mga Espanyol. Tumanggi sila sa, ayon sa kanila'y, mga kasinungalingan ng gobyerno ng Espanya kasi mayroon naman silang sariling pamunuan na inirerespeto at pinakatatangi.

Bago pa dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, ang mga Muslim sa Mindanao, sa arkipelago ng sulu at Tawi-Tawi, at sa mga isla ng Basilan at Palawan, ay mayroon ng sariling estado at gobyerno na may kaugnayang pangkalakal sa ibang bansa kabilang na ang Tsina. Ito ang naging dahilan kung bakit naging interesado ang mga Espanyol sa katimugan ng Pilipinas, at ito rin ang naging dahilan kung bakit kinailangan ng mga Muslim ang lumaban sa lahat na mga ginawa ng mga kolonyalista, sa militar man o sa misyonaryo, na may tungkuling pabagsakin ang buong Mindanao at Sulu sa kanilang mga kamay.

Pero paano lumaban ang mga Muslim sa mga Espanyol?

Lumaban ang mga Muslim sa mga Espanyol gamit ang pinagbuklod-buklod na lakas ng Islam. Nakatulong din sa kanila ang pagkakaroon ng matatag na administrasyon at politika kaya napanatili nila ang kanilang pagkakakilanlan (politikal at sosyal) at kalayaan.

At iyon ang kuwento kung paano nakibaka ang mga Muslim laban sa mga mananakop. Ngayon naman, pag-usapan natin ang kung anu-ano na ang mga nangyayari sa mga Muslim sa kasalukuyan at kung papaano nila naipapakita ang paglaban ng mga Muslim sa mga Espanyol noon.

Ang mga Muslim ng bagong henerasyon ay tinatawag na Bangsamoro.

Bakit Bangsamoro? Ano ba ang ibig sabihin ng salitang Bangsamoro?
Ang Bangsamoroay binubuo ng dalawang salita: "bangsa" at "moro". Ang salitang "bangsa" ay isang salitang Malay na ang ibig sabihin ay isang nasyon o bansa, abang ang "moro" naman ay hango sa pangalang ibinigay ng mga kolonyalistang Espanyol sa mga Muslim noon na nasa Mindanao. Ito rin ang pangalang ibinigay nila sa mga Muslim sa H. Africa. Kung gayon, ang ibig sabiin ng "Bangsamoro" ay ang pagkakakilanlan ng mga Muslim sa Mindanao, kabilang na ang mga isla ng Basilan at Palawan, at ang arkipelago ng Sulu at Tawi-Tawi, bilang isang estado.

Ang salitang "bangsamoro" ay unang ginamit at pinalaganap ng mga liberation fronts na patuloy na nakikipaglaban para sa kanilang karapatan sa kalayaan bilang pagpapakita ng kanilang karapatan sa sariling pagkakakilanlan.

Ang mga taong bumubuo sa Bangsamoro ay patuloy na naghahangad na makamtan ang kanilang kalayaan ngunit ngayon ay hindi na laban sa mga Espanyol kundi laban sa Gobyerno ng Republika ng Pilipinas. Ito ay sa dahilang, ayon sa kanila'y, ilegal at imoral na paguugnay ng kanilang teritoryo sa Republika ng Pilipinas noong 1946 na ginawa daw kahit wala ang kanilang pormal na pahintulot. Sa katunayan, dahil dito'y, marami nang pag-aalsa o pagkilos ang ginawa ng mga Muslim na may hangaring makamtan ang tunay na kalayaan.

Ilan sa mga pagkilos na ito ay: a) ang armadong protesta nini Kamlon, Jikiri, at Tawan-Tawan laban sa labag sa batas na pagbale-wala sa kanilang pngkalahatang karapatan bilang isang kumunidad, b)ang House Bill 5682 ni Cong. Ombra Amilbangsa na ipinasa sa ikaapat na sesyon ng ikaapat na kongreso, na may pangunahing layuning makuha o makamtan ang pagkilala sa kalayaan ng Sulu, c)ang Mindanao Independence Movement (MIM) Manifesto, na pinangunahan ng gobernador ng probinsiya ng Cotabato, si Datu Uldog Matalam, na naglalayong makamtan ang ganap na kalayaan ng Mindanao at Sulu, at makilala o kilalanin ito bilang Republika ng Mindanao at Sulu, at d)ang pagbuo ng Moro National Liberation Front (MNLF) para sa pagsulong ng armadong pakikibaka para sa kalayaan, dahil sa paniniwala ng mga Muslim na hindi na posibleng makamtan nila ang kalayaan sa loob ng pambansang panggobyernohang sistema ng Pilipinas.

Pero dumating ang panahon na tinanggap ng Mnlf ang pagiging kabilang nila sa Gobyerno ng Pilipinas. Sa hakbang na ito na ginawa ng MNLF, mayroong mga kaanib ng organisasyon ang hindi sumang-ayon at tumiwalag, at nagbigay daan sa pagkabuo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nagpatuloy sa pamamaraan at hangarin ng dating MNLF.

Ang MILF ngayon ay patuloy na nakikipaglaban sa mga puwersa ng gobyerno para sa kanilang karapatan sa sariling pagkakakilanlan na idinadaan nila sa sandaatang pag-aalsa na nagdulot ng digmaan, pagkasira ng mga komunidad at pagkamatay ng libu-libong sibilyan.

Kahit nagkaroon na ng pangkapayapaang kasunduan sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas at Moro National Liberation Front noong 1996, hindi parin nito naresulba ang problema, at makalipas ang apat na taon, noong 2000, naglunsad ng all-out war laban na sa MILF.

Ngunit ang pangkalahatang populasyon ng Bangsamoro ay naniniwala na ang tangi't nararapat na paraan upang matuldukan na ang hindi magandang ugnayan ng mga Muslim at ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas ay ang pagbabalik ng kalayaang ilegal at imoral na kinuha sa kanila, at pagbibigay sa kanila ng pagkakataong makapagbuo ng sariling pamunuang naaayon sa kanilang kulturang politikal, mga paniniwala at kaugalian.

Lahat nang ginawa ng bagong Republika ng Bangsamoro ay halos katulad din nang ginawa ng mga Muslim noon, laban sa mga kolonyalistang Espanyol. Nagkakapareho sila ng pamamaraan nang pagpapanatili sa kanilang kalayaan. Kung noon ay nakipaglaban ang mga Muslim bilang isang lupon, gayon din naman sa bagong Rewpublika ng Bangsamoro. Kung ngayon ay malaki ang papel ng politikal na sistema ng Bangsamoro sa kanilang hangarin, gayon din naman sa mga Muslim noon.

Ang pinaglabang kalayaan ng Bangsamoro ng bagong enerasyon ay ang kalayaan parin na nakamtan na ng mga Muslim noon laban sa mga Espanyol.

Reaksyon ng mga Pilipino sa Pananakop ng mga Espanyol

Dahil sa iba't-ibang ginagawa ng mga Espanyol, may mga Pilipino naring nalito sa kung ano ang kanilang dapat gawin kaugnay sa pananakop ng mga ito.
Sa kabuuan, ang ginawa ng mga Pilipino ay:


a)Pagtakas o Escape
Dahil sa sobrang pangungulekta ng buwis at paggamit ng mga Espanyol sa katutubong Pilipino, napilitan ang iba sa kanila na iwan ang kanilang nakalakhang tahanan at magpakalayo tungo sa lugar na hindi abot ng kapangyarihan ng mga Espanyol. Sila ang iilan na nagawang maipanatili ang tunay na kultura ng mga Pilipino na naging dahilan upang sila'y maging kakaiba sa paningin ng iba

b)Pagtanggap o Acceptance
Dahil sa takot sa maaring gawin sa kanila ng mga Espanyol, napilitang tanggapin ng mga katutubong Pilipino ang lahat ng mga batas at alituntunin na ipinatutupad ng mga ito. Tinanggap rin nila ang pwersahang pagseserbisyo, na kilala sa tawag na polo y servicious, kahit nangangahulugan iyong mawawalay sila sa kanilang pamilya. Tinanggap rin nila ang kulturang dala ng mga Espanyol: ang pagkakaroon ng mga piyesta at iba pang magastos na selebrasyon, ang pagbabago ng klase ng kanilang pananamit, at pagpapalit ng kanilang mga katutubong pangalan sa mga pangalang hango sa mga salitang Espanyol.

c)Paglaban o Resistance
Nang mamulat ang mga katutubong Pilipino sa masamang sistema ng pagpapalakad ng mga Espanyol sa Pilipinas, nagkaroon sila ng lakas ng loob na kalabanin ang mga ito. Nagsagawa sila ng mga rebolusyon, walang takot nilang hinarap ang mga Espanyol kahit alam nilang wala silang laban dito dahil sa mga makabagong kagamitang pandigma na gamit nila.


Isa sa mga rebolusyong ito ay ang rebolusyong Sumuroy.


Rebolusyong Sumuroy (1649-1650)

Itinatag ni Juan Ponce Sumuroy, isang Waray-waray. Naganap ito sa Palapag, H. Samar, at unang sumiklab noong Hunyo 1, 1649.

Ang naging sanhi ng rebolusyong ito ay ang sistema ng polo na isinagawa sa hilagng parte ng Samar.

Ipinag-utos ng gobyerno sa Maynila, na noo'y nasa ilalim ng pamamalakad ng mga Espanyol, na lahat ng mga katutubong nasa ilalim ng polo sa Samar ay manatili sa kanilang bayan upang doon gawin ang pagseserbisyo, ngunit biglang nagbago ang desisyon ng Alkalde Mayor at ipinagutos na ipadala ang mga Samarnon sa Cavite upang dooin magtrabaho. Ito ang naging hudyat upang sumiklab ang rebolusyong Sumuroy.

Mabilis na kumalat ang rebolusyong ito patungong Mindanao, Bicol, at iba pang lugar sa Visayas katulad ng Cebu, Masbate, Camiguin, Zamboanga, Albay at Camarines.

Noong hunyo 1650, nadakip si Sumuroy at pinatay, ngunit ito'y hindi naging hadlang upang matigil ang kilusan. Si David Dula ang sumunod na namuno sa rebolusyon. Pagkalipas naman ng ilang taon, sa kasamaang palad, ay nadakip at pinatay rin si Dula.

Hindi man nagtagumpay ang ang rebolusyong Sumuroy, nagsilbi naman itong inspirasyon sa iba pang Pilipino na wakasan ang maling pamumuno ng mga Espanyol.